Nasawi ang tatlong pasiyenteng may leptospirosis sa San Lazaro Hospital sa Maynila, sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga kaso sa bansa.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing batay sa tala ng San Lazaro Hospital mula Enero 1, 142 na ang kanilang pasyenteng may leptospirosis.
Hanggang nitong 7 a.m. ng Sabado, tatlo na ang nasawi mula Agosto 10, kung saan isa ang nasawi nitong araw.
May 22 naman na bagong admissions. May 60 na leptospirosis patients ang kasalukuyang naka-confine, kung saan 19 sa kanila ang may severe cases.
“Ang severe leptospirosis is ito na ang leptospirosis na inaatake ang mga vital organs ng katawan. ‘Pag umabot na sa kidney, kailangan na nating mag-hemodialysis, hindi na sila makaihi. ‘Pag inatake ang atay, naninilaw po ang pasyente. ‘Pag inatake ang respiratory system, nagkakaroon sila ng hirap sa paghinga. Minsan, kailangan natin silang i-intubate. Ang mortality rate ng mga pasyenteng may multi-organ dysfunction umaabot ng 50%,” sabi ni Dr. David Suplico, Medical Chief ng San Lazaro Hospital.
Patuloy pa itong tumataas, ayon kay Health Secretary Edwin Mercado.
“May incubation period iyan, almost two days to 60 days. Pero kalimitan ay lumalabas 5 to 15 days,” sabi ni Mercado.
Sinabi ng Department of Health na hanggang Agosto 17, umabot na sa 3,760 ang kaso ng leptospirosis sa bansa. Mino-monitor din ng DOH ang pagdami ng kaso ng dengue na umabot na sa mahigit 111,000 nitong taon.
Sinabi ng DOH na sa kabila ng tumataas na bilang ng mga kaso ng leptospirosis at dengue, may sapat na kapasidad ang mga ospital.
Sa Leptospirosis Ward ng San Lazaro Hospital, sa 120 bed capacity, kalahati o 60 pa lamang ang okupado.
Ngunit sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, nasa 119% na ang occupancy rate dahil sa mga kaso ng dengue at leptospirosis.
Muling paalala ng DOH na umiwas lumusong sa baha kung hindi naman kailangan.
“Hindi naman po talagang napaka-importanteng kailangan gawin. Although nababatid po namin, talagang ‘yung iba po talagang kailangan lumusong kasi parte po ng trabaho nila. Kung puwede po iwasan. Sana mag-suot ng bota at agaran po, maligo, maglinis at talagang magsabon ng kanilang katawan. Filipinos are responsible in keeping ourselves healthy,” sabi ni Mercado. —Jamil Santos/VBL GMA News
