Dalawa katao ang nasawi, habang isa ang sugatan matapos silang pagbabarilin sa kanilang sasakyan sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Huwebes, Agosto 20, 2026.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, inihayag ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na bumiyahe ang mga biktima patungong Cotabato City mula Datu Unsay, nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng motorsiklo pagdating sa lugar ng insidente.

Kaagad na nasawi sa pananambang ang 56-anyos na driver at ang kaniyang 40-anyos na kasama. Isinugod naman sa ospital ang nasugatan laborer na kasama rin sa sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaril.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng mga biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA News