Kadalasang hindi gusto ng mga mangingisda ang tag-ulan dahil hindi sila makapalaot at wala silang mahuling isda. Ngunit iba ang kuwento sa Candaba, Pampanga, na pabor para sa mga mangingisda ang may malakas na ulan dahil tone-toneladang isda ang nahuhuli nila sa Pampanga River gamit ang lambat na “bukatot.”
Sa nakaraang episode ng Pinas Sarap, sumama ang host ng programa na si Kara David sa paghuli ng iba’t ibang klase isda sa ilog, partikular ang karpa.
“Hindi lang isang tonelada. Daang tonelada,” sabi ng mangingisdang si Claren Dela Paz. “ Kasi ‘yung isda rito, ‘pag panahon ng tag-ulan na ganiyan, dagsa talaga. Lahat ng isda sa baba, aakyat ditto.”
Sa pagsama ni Kara sa pangingisda sa Pampanga River, agad nang nagpakita ang mga isda sa mga lambat, na bukatot kung tawagin sa lugar.
Sa paghuli, itinatali ang mga lambat na magkabilang kawayan saka itutusok sa gitna ng sapa. Ang mga isda, kusa nang lumalapit sa mga lambat.
Tatlong uri umano ng karpa ang karaniwang nakukuha sa Pampanga River: ang Rohu, Common Carp, at Tipis o Silver Carp, na mga lumalaki at tumitimbang ng hanggang 15 kilo.
Ang mga mangingisda, mga magsasaka rin na nagtatanim ng palay at mag-aani kapag Disyembre hanggang Mayo. Ngunit kapag panahon ng tag-ulan, dito naman sila nangingisda.
“Kung hindi namin ginagawa ‘yun, magugutom kami. Kailangan masipag ka. ‘Pag hindi ka masipag, hindi naman darating sa iyo. Kailangan kukunin mo sa sapa. Maraming nga, kung hindi mo naman kukunin, wala rin mangyayari,” sabi ni Claren.
Sampung minuto lamang ang aantayin bago iangat ang lambat. Pagkatapos iangat, manu-mano nang isisilid ang mga isda sa sako.
Pagdating sa palengke, naibebenta ang Silver carp ng P25 hanggang P30 kada kilo, habang ang Common carp naman ay nasa P70 kada kilo.
Tunghayan ang buong ulat kung saan tutulong na rin sa Kara sa pagbebenta ng mga isda sa gilid ng daan. Panoorin. – FRJ GMA News
