Siyam na kaso ang nadagdag sa listahan ng mga namatay matapos uminom ng lambanog.
Apat na lalaki ang magkakasunod na namatay matapos silang uminom ng nakaka-lasing na inumin sa Santa Rosa, Laguna nitong Sabado.
Lima naman ang pumanaw sa Calamba sa magkakasunod na araw matapos mag-inuman noong November 28.
Apat daw sa lima ang uminom muli ng lambanog sa burol ng kainuman na nauna nang pumanaw dahil din sa naturang alak.
Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa "24 Oras" nitong Miyerkules, kabilang sa mga namatay sa Sta. Rosa sina Gonzalo Latorre, Jr., Severino Callos, Ermino Caramay at Roy Basbas habang ligtas naman ang dalawa pa nilang naka-inuman.
Tulad ng mga namatay sa Quezon City matapos nilang uminom ng lambanog noong nakaraang linggo, nakaramdam rin daw ang apat na biktima ng pananakit ang tiyan, nagsuka at nanlabo ang paningin.
Unang namatay si Latorre na naitakbo pa siya sa ospital nitong Linggo ngunit pumanaw rin.
Kuwento ni Macmac Latorre, Jr., namilipit sa sakit ang kanyang ama at sinubukan pa nilang i-revive ito, pero hindi na raw kinaya ng biktima.
Sumunod na pumanaw ang 62-anyos na si Callos na patay na nang magising ang kaniyang mga kaanak nitong Lunes.
Hindi na raw nila itinakbo sa ospital ang biktima dahil inakala nilang epekto lang ng ininom niya ang pananakit niya ng tiyan.
Kuwento ng kapatid ng biktima na si Lorenzo, "Matigas na siya nang makita namin...Pinakain ng kaunti, pinainom ng kape. Nilipat doon, eh di sinabi niya, wala daw siyang makita. Tapos ang hinahalukay raw, ang bituka."
Sumunod si Caramay at si Basbas na pinakahuling pumanaw nitong Miyerkules ng umaga. Naitakbo pa siya sa Philippine General Hospital pero kalauna'y na-comatose din at hindi na nagising.
Kuwento ng kaanak niyang si Rosalita del Mundo: "Hindi naman po kaagad effective sa kanya eh. NAkatulog pa po ng magdamag 'yun eh. Pagdating ng gabi, yun nga, nakita ko po na nakahigay na parang hirap siyang huminga.
Ayon kay Robert Cruz, na isa sa mga nakaligtas na nag-inuman, kumain siya umano ng asukal matapos niyang maramdamang tila nalalason siya, "Lagi naman kaming umiinom niyan. Ngayon lang kami naapektuhan," sabi nito.
Naiwan pa ang plastic na lalagyan ng branded lambanog.
Ayon sa kapatid ng may-ari ng katabing tindahan kung saan binili ang lambanog, uminom din daw siya kasabay ng mga namatay pero hindi raw siya naapektuhan.
Nangako naman itong makipag-ugnayan siya sa imbestigasyon.
Calamba City
Lambanog din ang hinihinalang sanhi ng pagkamatay ng magkukumpare sa Calamba City, Laguna matapos nilang mag-inuman noong November 28.
Ayon sa ulat, nakaramdam raw ng pananakit ng tiyan, namutla at lumabo rin ang mga mata ng biktimang si Jonathan Barceta. Naisugod pa siya sa ospital pero namatay rin noong November 29.
"Tumigil ang heartbeat tapos 'yun na nga ang findings niya, tumaas ang potassium. Nag-cardiac arrest," sabi ng kaanak ng biktima.
Nang mag-inuman sa kanyang burol ang kanyang mga kumpare, makakasunod silang nakaramdam ng pananakit ng tiyan, paninikip ng dibdib, panlalabo ng paningin at nasawi sa magkakasunod na araw.
Nasawi nitong December 1 si Jesus Ulanday, kasunod si Roderick Martinez, Cornello Opulencia at Nestor Mancay.
Parehong brand ng lambanog ang ininom ng mga nasawi sa Calamba at Santa Rosa.
Sinusuri na ito ng City Health Office. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News
