Arestado ang mag-ama sa Tondo, Maynila dahil sa paggamit at pagtutulak umano ng shabu.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang mag-ama na sina Rodolfo at Roda Alapide ng Moriones, Tondo, Maynila.

Labing anim na sachet ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mag-ama ngunit itinanggi ng mga ito na sila ang may-ari ng ipinagbabawal na droga.

Gayunpaman, inamin rin ni Roda na siya ang tumitikim at nagbebenta ng droga.

“Inaamin ko gumagamit ako; naninimot lang po ako para maibenta ko po. Para may pang gastos po ako pang araw-araw,” ani Roda.

Ayon naman kay Rodolfo, wala siyang kinalaman sa droga dahil siya ang maysakit na.

“Magbenta man ako, hindi kapani-paniwala 'yan. Eh lagi ako nasa loob ng bahay, diabetic na ako,” dagdag ng ama.

Nanindigan naman ang PDEA na tulak ng droga ang mag-ama.

“Sa ganitong area kasi, hindi na maitatago na may ano na connivance ng magpapamilya,” ayon sa taga PDEA na hindi pumayag pangalanan.

Isang babae rin ang nahulihan ng siyam na sachet ng hinihinalang shabu sa Moriones, Tondo sa ibang operasyon.

Ayon sa suspek na si Rosalyn dela Cruz, planted ang ebidensiya laban sa kanya.

“Hindi ho talaga sa akin yan, sir. Wala po akong ganyan karami. Hindi po talaga,” sabi ng suspek.

Pero ayon kay Sharon Ominga ng PDEA, nagpapalusot lang ang suspek. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News