Nagkasa ng entrapment operation ang awtoridad sa Quezon City laban sa nabistong modus ng apat na suspek na nangingikil umano gamit ang towing service.

Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa 24 Oras nitong Martes, naaresto ng mga pulis Quezon City ang apat na suspek sa isinagawang operasyon sa Commonwealth Avenue, Barangay Old Balara.

Sinisingil ng mga suspek ng P10,000 ang complainant na may-ari ng sinitang truck kaya agad itong nakipag-ugnayan sa awtoridad para i-entrap ang mga suspek, ayon sa pulisya.

Arestado ang drayber ng towing service na si Ramil Granado na  tumanggap umano ng P10,000 at Rogelio Rivera na nakipagtransaksyon.

Huli rin ang dalawa pang kasabwat umano nila na sina Federico Rineva at Evelyn Sorino.

Tumulong din ang may-ari ng towing service sa entrapment operation na nagsasabing hindi nila tinotolerate ang mga ganitong gawain.

Ayon sa pulisya, ‘Jumong’ ang tawag sa modus na ito.

Nagpapakilalang mga tauhan ng isang towing service ang mga suspek at sinisita nila ang isang truck kahit wala namang nagawang violation o sira ang truck.

Habang nakikipag-negosasyon, may kasabwat daw na isa pang tao na papailalim sa truck at saka pinuputol ang linya ng gasolina para hindi na ito umandar.

Itinanggi naman ng mga suspek na modus ang kanilang trabaho. —Joviland Rita/NB, GMA News