Binaha ang ilang lugar sa Tagbilaran City, Bohol dahil sa ulan na dulot ng isang low pressure area.
Sa ulat ng "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, makikita ang malakas na pag-agos ng tubig at malalim na baha sa lungsod.
Sa kabila nito, may ilang motorista ang nagpumilit na tumawid, at ang ibang residente naman ay lumusong pa rin.
Partikular na binaha ang ilang bahagi ng Sierra Bullones.
Sinabi ng mga residente na nakaranas sila ng halos walong oras na walang patid na pag-ulan.
Binaha rin ang ilang palayan, at nasira ang ilang tulay.
Wala namang naiulat na nasaktan sa pagbaha. — Jamil Santos/MDM, GMA News
