Nawalan nang malay ang isang babae matapos na mahulog sa sinasakyang bus sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Ang biktima, nagmadali umanong makababa.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabi ng driver ng Mafel bus na sumakay ang babae sa bahagi ng Batasan pero nagsabing bababa na lang dahil sa Baclaran pala ang punta niya at ibang bus ang dapat niyang sakyan.

Sinabihan naman daw nila ang babae na itatabi lang ang bus pero nagpilit daw itong bumaba kaya natumba at tuluyang nahulog mula sa bus.

Walang malay na nakahandusay sa kalsda ang babae nang dumating ang mga rescue team na hinihinalang nabagok ang ulo.

Kaagad na dinala sa East Avenue Medical Center para ang biktima na hindi pa rin alam ang pagkakakilanlan. -- FRJ, GMA News