Ipapatawag na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang taxi driver na nanggagalaiti sa kanyang pasahero sa nag-viral na video.

Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa "Balitanghali" sa GMA News TV, sisikapin umano ng LTFRB na ipatawag ang ang taxi driver at operator nito bago matapos ang taon.

“For this taxi driver to say those things, he should not be driving a taxi, much less other public utility vehicles,” pahayag ng chairman ng LTFRB na si Attorney Martin Delgra.

Nanggagalaiti ang taxi driver sa kanyang pasahero, na kinuhaan naman ng video ang insidente.

Ayon sa pasahero, bago siya sumakay ng taxi, tinanong niya sa barker at driver kung dadaan daw ba ito sa kaniyang pupuntahan para doon siya bababa at umoo naman daw ito.

Pero sa isang mall sa Pasay raw siya gustong ibaba ng driver.

“Sabi ko, ‘ay Tay, du’n pa po ako sa unahan, sa may Double Dragon po.’ Dun na siya nag-start mag-hysterical,” kwento ng pasaherong si Mary Vennice Oronce.

Sabi pa ng pasahero, nagsasakay daw ng iba-ibang pasahero ang taxi at naniningil kada tao na parang UV Express.

Ilang beses ding ininsulto ng driver ang pasaherong babae.

“Tama na, tama na! Magpa-Pasko, sirain mo pa yung araw ko,” sabi ng driver sa pasaherong si Oronce.

“Ay, ako po ang sumira ng araw niyo Tay?” sabi ni Oronce.

“Oo! Bwisit ka e,” sabi ng driver.

May nakita raw na enforcer ang pasahero kaya naglakas-loob na siyang magpababa sa taxi, pero nang pagbaba niya, minura pa raw siya ng driver.

“Kalayo-layo ng tinitirhan mo. Kababae mong tao buang ka,” sabi ng driver

“Salamat, Tay,” sagot na lang ni Oronce

“Buang ka ****! ******* mo!,” sigaw ng driver.

Para naman sa grupong Lawyer For Commuters, dapat padaliin daw ng LTFRB ang proseso ng pagrereklamo ng mga commuter.

Maaari raw na ang maprosesong paraan ng pagrereklamo sa LTFRB ang dahilan kung bakit ini-upload na lang ito ng agrabyadong pasahero sa social media.

“Dati ang ginagawa natin dyan, kapag may nakikita tayong ganyan na mga post na yan, pinatatawag na natin kaagad ang operator at driver kahit wala pang complaint,” sabi ni Attorney Ariel Inton, founder ng Lawyers For Commuters.

Isa raw sa mga gustong baguhin ng LTFRB ay ang mga tiwaling driver na gaya ng nasa video

Sa susunod na taon, 5,000 bagong taxi units ang magsisimulang bumiyahe sa buong bansa at asahan daw na magalang, may proper grooming at tamang asal ang mga driver na ito. —Joviland Rita/LBG, GMA News