Halos P15,000 na sweldo at bonus ng isang babae ang natangay ng mga holdaper na lulan ng isang motorsiklo sa Magalang, Pampanga nitong Linggo nang madaling araw. 

Ayon sa ulat ni Katrina Son sa Balitanghali nitong Lunes, nag-aabang sa isang waiting shed ang biktimang si Kyla Mendoza nang dumating ang dalawang lalaki at magdeklara ng holdap.

Makikita sa video na tinutukan ng mga suspek ng kutsilyo ang biktima saka ginitgit sa pader.

Tumanggi si Mendoza na ibigay ang kaniyang mga gamit subalit naagaw pa rin ito ng mga suspek.

Sinubukang habulin ng biktima ang dalawang lalaki subalit bigo siyang mabawi ang kaniyang mga gamit dahil sinikmuraan pa siya ng mga suspek.

Nanlulumo naman ang biktima sa nangyari dahil panghanda pa naman sana nila ng kaniyang pamilya ang pera ngayong Bagong Taon.

"'Yung sa nangholdap sa akin sana makonsensya ka. May dalawang anak ako na binubuhay," sabi ni Mendoza.

Naipa-blotter na ang insidente sa barangay. —NB, GMA News