Malungkot ang naging wakas sa paghahanap ng isang fur parent sa kaniyang alagang aso na nawawala. Ang aso kasi, nakita niyang sinusunog na ng kaniyang kapitbahay sa Kabankalan City, Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng may-ari sa aso na huli nilang nakitang buhay ang kanilang alaga noong April 18.  

Kinabukasan, nakita na lang nila ang aso sa kanilang kapitbahay na sinusunog na sa ibabaw ng baga.

Ipinaliwanag naman umano ng kapitbahay na patay na aso nang makita niya. Nangangamoy na rin daw ang aso kaya niya sinunog.

Pero duda ang may-ari ng aso sa kuwento ng kaniyang kapitbahay kaya desidido siyang kasuhan ito.

Kung nangangamoy na umano ang bangkay ng aso, iginiit nila na dapat ipinaalam sa kanila para mailibing nang maayos.

Plano nilang isailalim sa awtopsiya ang aso upang malaman kung ano ang ikinamatay nito, na ang magiging resulta ay isasama nila sa isasampa nilang reklamo laban sa kanilang kapitbahay sa ilalim ng Animal Welfare Act.—FRJ GMA News