Tatlong ahensiya ang magsasagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ng isang suspek sa panghahalay sa isang bata matapos itong pumanaw habang nakadetine sa Cebu City Jail. Ang suspek, inatake umano sa puso pero duda ang kaniyang mga kaanak.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing magsasagawa ng kani-kanilang hiwalay na imbestigasyon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), National Bureau of Investigation (NBI), at Commission on Human Rights (CHR).

 “We’ve already dispatched a quick response operation to check not just on the death but also on the possible administrative liability of the personnel in the facility,” ayon kay Atty. Stanley Tibon, Chief Investigator ng CHR- Region 7.

Hindi naniniwala ang pamilya ng 37-anyos na bilanggo, na atake sa puso ang naging sanhi ng kaniyang pagkamatay, lalo na’t may nakita umanong mga pasa sa katawan nito.

Ayon sa isang kaanak ng nasawi, maayos ang kalusugan nito nang huli nilang dalawin at wala ring binanggit na iniindang sakit.

May mga pasa umano ang bilanggo at hinihinala nilang binugbog ito.

Abril 26, 2026 nang makitang walang malay ang bilanggo at dinala sa ospital kung saan idineklara siyang dead on arrival.

Sa kaniyang death certificate, nakasaad na sudden cardiac death o acute coronary syndrome ang ikinamatay nito.

Giit pa ng pamilya, dapat hinayaan na lang ang nakapiit nilang kaanak na harapin nito ang kasong ibinibintang sa kaniya.

Inaakusahan ang bilanggo na gumahasa umano sa isang 11-anyos na babae sa Cebu City, at nadakip noong nakaraang Marso sa Maynila. – FRJ GMA News