Bangkay na nang matagpuan sa isang tubuhan Candoni, Negros Occidental ang 13-anyos na dalagita na hindi na nakauwi matapos utusan na bumili ng alak at yelo sa isang tindahan.
Sa Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa Barangay West noong Abril 27, 2027 ng mga residente sa lugar.
Batay sa imbestigasyon ng awtoridad, may sugat sa noo ang dalagita, nakasuot ng leggings, at bahagyang nakataas ang damit nang matagpuan.
Ayon kay Police Captain Leonel Adoracion, hepe ng Candoni Municipal Police Station, nakahiga ang biktima sa gitna ng taniman ng tubo nang matagpuan at kompleto ang kasuotan.
Posible umanong gumamit ng matigas na bagay o patalim ang suspek.
Inihayag umano ng mga kaanak ng biktima sa pulisya, na inutusan nila ang biktima na bumili ng yelo at alak nitong gabi ng Abril 26 sa isang tindahan sa Barangay Haba pero hindi na siya nakauwi.
Natagpuan kinabukasan ang bangkay ng biktima sa tubuhan na tinatayang tatlong kilometro ang layo mula sa kanilang bahay.
Nakatakdang ipa-autopsy ang bangkay ng biktima, at mayroon na umanong tinututukang person of interest ang mga awtoridad.
Nanawagan naman si Candoni Mayor Ray Ruiz sa publiko na makipagtulungan sa pulisya ang may nalalaman upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima. – FRJ GMA News