Arestado ang isang construction worker at kaniyang kasama matapos magpaputok umano ng baril ilang oras bago salubungin ang bagong taon sa lungsod ng Navotas.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing may nagsumbong umano sa pulisya na nagpaputok ng baril sa Barangay NBBN ang suspek na si Alexander Illustrisimo.

Nakuha ng mga rumespondeng awtoridad sa kanya ang isang .45 kalibre ng baril na kargado ng mga bala.

"Mayroon pong nag-report sa ating TOC na mayroong allegedly na may namamaril doon sa lugar na R-10 corner Leongson. Nagkataon naman kaagad sa dami ng deployment ng pulis ay katabi nung ating pulis na nakadeploy sa area kaya nahuli agad itong dalawa," sabi ni Senior Superintendent Ramchrisen Haveria Jr., hepe ng Navotas police.

Mapalad na wala namang tinamaan ng ligaw na bala dahil sa insidente.

Hinuli rin ang kabarkada ni Illustrisimo na si Glen Monares matapos umano silang makuhanan ng pakete ng ipinagbabawal na gamot.

Itinanggi naman ng mga suspek ang mga alegasyon.

"Hindi po sir. Hindi po ako nagpaputok ng baril. Sa akin 'yang baril na 'yan pero po 'yung drugs hindi sa akin," paliwanag ni Illustrisimo.

Ayon sa pulisya, may dati nang kasong murder si Illustrisimo matapos mamaril at makapatay sa Barangay Tangos noong Nobyembre. --FRJ, GMA News