Naibalik na sa kaniyang ina ang batang may problema sa paningin na dinukot umano sa Cubao, Quezon City. Kulungan naman ang bagsak ng babaeng suspek.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Amalia Bonete.

Sinabing dinala daw pala ni Bonete ang batang babae sa kaibigan nitong si Mary Grace Buban sa Bagong Silang, Caloocan City.

Pero nagduda si Buban sa kuwento ni Bonete.

"Ang kuwento niya, ibinigay daw sa kaniya ng nanay 'yung bata," saad ni Buban.

Napatunayan ni Buban ang inisyal niyang duda nang mapanood sa GMA News ang ulat tungkol sa pagkawala ng batang babae at pakiusap ng ina nito na sana maibalik ang anak sa kaniya.

Dahil dito, nagsumbong na ang asawa ni Mary Grace sa kapitbahay nilang pulis.

"Nu'ng sinabi sa akin ni kuya na 'yung suspek nandu'n daw sa loob ng bahay nila, agad-agad po na tumawag ako doon sa opisina po namin," sabi ni SPO1 Wency dela Cruz.

Nabawi naman ng Caloocan Police ang bata.

Depensa ni Bunete na nasa kulungan ngayon, kusa raw sumama sa kaniya ang bata, at sumakay pa sa bus na sinakyan niya.

Sinabi niya ring hindi niya raw kinidnap ang bata.

"Ay sumunod po sa akin 'yung bata," ayon kay Bonete.

Hindi naniniwala ang ina ng bata sa paliwanag ng suspek, at kakasuhan niya ito.

"Lagi nating ingatan ang ating mga anak dahil hindi po naman natin ine-expect na mangyayari ang mga ganitong sitwasyon," paalala niya sa kapwa niya mga magulang.

Posibleng maharap sa kasong inducing a minor to abandon his home si Bonete. — Jamil Santos/MDM, GMA News