Matinding sakit at pagdurusa muna ang sinapit ng isang aso na nasagaan ng taxi ang paa bago nakaladkad naman ng isang SUV. Ang aso, natuklap ang balat bago tuluyang pumanaw habang sinusubukang gamutin sa Quezon City.



Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, nakunan ng CCTV ang aso habang nakaipit sa unahang gulong nang umaandar na SUV sa Quirino Highway sa Quezon City noong Disyembre 30.

Makikita rin sa video na huminto kinalaunan ang sasakyan at umatras para matanggal ang aso sa pagkakaipit bago tuluyang umalis ang motorista na parang walang nangyari.

Ayon sa mga saksi, may katandaan na raw ang aso at nagpapahinga lamang raw ito sa gilid ng kalsada nang unang masagi ng taxi.

“Nakahiga diyan yung aso tapos nasagasaan ng taxi. Taxi muna, yung paa  lang tapos umikot yung aso. Doon sinasagasaan na naman,” kuwento ng nakasaksi.

Sa kabila ng kaniyang sinapit, nanatiling buhay ang aso at naitakbo sa veterinary clinic sa Fairview sa tulong na rin ng mga barangay para malapatan ng lunas.

Nakaabot naman ang impormasyon na isang animal rights advocate na si Norman Marquez, na siya namang nag-post ng insidente sa social media.

Nanawagan si Marquez ng hustisya para sa nabiktimang aso na pinangalanan nilang Brave.

Para makakalap ng pondo para sa operasyon ng aso, nagtulong-tulong rin ang mga netizen dahil natanggal ang halos kalahati kaniyang balat sa likod.

Sa kasamaang palad, pumanaw si Brave kalaunan.

Pinanawagan naman ni Marquez sa motoristang nakasagasa sa aso, sumuko at panagutan ang nangyari dahil nilabag nito ang Section 6 ng Animal Welfare Act.

Sabi nito, maaari umanong makulong nang hindi bababa sa dalawang taon at multang hindi hihigit sa P100,000 ang motorista dahil sa ginawa sa aso.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News