Tatlo katao ang patay habang dalawa ang sugatan matapos mang-araro ang isang closed van sa Taytay, Rizal. Ang driver, nakaidlip umano.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang pagsampa sa gutter ng isang closed van sa bahagi ng C6 Road, Barangay Santa Ana nitong Lunes.
Sa isa pang CCTV video mula sa isang junk shop, mapanonood ang matulin na pagtakbo ng sasakyan hanggang sa bumangga ito sa gilid ng kalsada. Ilang saglit pa, naglabasan at nagsigawan na ang mga tao.
Ayon sa pulisya, lima katao ang nabangga at nakaladkad. Sa kasamaang-palad, tatlo sa kanila ang nasawi.
Dinala naman ang dalawa sa ospital matapos magtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
“Pagdating ng ambulance namin ay nakita nila na may nakahandusay na dalawang lalaki sa tabi ng C6. Tapos ang sa ilalim ng van, may dalawang lalaki nakahandusay din doon. Wala nang buhay. Tapos nakita namin na duguan na,” sabi ni Eva Regis, controller ng ambulance ng Barangay Sta. Ana.
“'Yung apat na biktima ay nandu'n sa may gutter at merong kinakalas na bagay para ibenta du'n sa junk shop. At 'yung panglimang biktima, nandu'n din sa tapat ng junk shop pero nakaiwas siya dahil nakita niya 'yung truck na paparating na sobrang bilis,” sabi ni Police Corporal Mackenray Villarazo, Investigator, Taytay Police.
Nadawit din sa insidente ang isang bahay at dalawang katabing tindahan.
“Nu’ng narinig ko na 'yung kumalampag, lumabas agad ako. Kasi 'yung pamangkin ko, alam ko, dito nakaupo. Tinakbo ko. ‘Pag silip ko ng ganiyan, wala na. Nakaladkad talaga siya, naipit. Na dala talaga siya ng van kasama ng mga ibang tao,” sabi ni Jovito Fernandez, kaanak ng nasawi.
“Hindi talaga katanggap-tanggap ‘yun kasi bata pa ‘yun eh. At siya ‘yun 'yung inaasahan ng nanay niya na tumutulong du'n sa mga kapatid niya,” sabi pa ni Fernandez.
Lumabas sa imbestigasyon ng Taytay Police na nagmula sa Quezon City ang closed van at magde-deliver sana ng mga produkto sa isang grocery store sa Barangay Santa Ana nang maganap ang insidente.
“Pero pagdating doon sa lugar ng pinangyarihan, base sa kaniya, nakaidlip siya. Kaya nawalan ng kontrol, sumagasa siya du'n sa gilid ng kalsada, sa may gutter,” sabi ni Villarazo.
Ligtas naman ang pahinante at nadakip ang 41-anyos na driver ng closed van.
“Hindi muna ako magbibigay ng impormasyon. Humihingi po ako sa kanila ng tawad,” sabi ng driver ng closed van.
Nakadetene sa custodial facility ng Taytay Police ang driver na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property. – Jamil Santos/FRJ GMA News
