Isang B-52 Stratofortress bomber ng U.S. Air Force na kakalipad pa lang ang bumagsak sa runway ng Edwards Air Force Base sa Mojave Desert ng Southern California nitong Lunes. Nagliyab ang eroplano at nasawi ang lahat ng walong sakay nito, ayon sa mga opisyal ng Air Force.
Mayroong walong makina na jet aircraft ang naturang dambuhalang eroplano, at idinisenyo para magdala ng mga nuclear and conventional bombs. Nasa routine test mission ito nang bumagsak sa runway ng Edwards at kakalipad pa lang, ayon kay Air Force Colonel James Hayes sa isang press conference na isinagawa makalipas ang ilang oras.
Ayon sa opisyal, “mixed crew” ang nakasakay sa eroplano na binubuo ng mga sibilyang empleyado ng gobyerno, mga kontratista, at mga unipormadong tauhan ng militar.
Layunin ng paglipad na suportahan ang isang radar modernization program, ayon kay Hayes. Idinagdag niya na hindi pa alam ang sanhi ng pagbagsak at kasalukuyan itong iniimbestigahan.
Hindi muna pinangalanan ng mga opisyal ng Air Force ang mga nasawi dahil nagpapatuloy pa ang pag-abiso sa kanilang mga kaanak.
Makikita sa mga kuha mula sa himpapawid ng pinangyarihan ng aksidente, humigit-kumulang 100 milya (161 kilometro) sa hilaga ng Los Angeles, ang isang malawak na bahagi ng disyerto na nasunog at patuloy na umuusok, na mas malaki pa sa isang football field.
"After reviewing footage of the crash, it was deemed to be unrecoverable and unsurvivable," ani Hayes.
Because of damage to the runway, he said, "we're grounding all operations at Edwards Air Force Base" through at least Tuesday, adding that no operations beyond the base would be suspended.
Dahil sa pinsala sa runway, sinabi ni Hayes na itinitigil na muna ang lahat ng operasyon sa Edwards Air Force Base hanggang sa Martes. Gayunman, nilinaw niyang hindi maaapektuhan ang mga operasyon sa labas ng base. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
