Sa nakaraang episode sa vodcast na “Your Honor,” ibinahagi ni Allen Ansay ang naging karanasan niya sa unang pagkakataon niyang uminom ng alak at malasing nang ipagdiwang ang kaniyang ika-21 kaarawan sa Boracay. Pero sa gitna nang kuwentuhan, naungkat din ang nakatutuwang pangyayari sa host ng programa na si Chariz Solomon nang minsan ding malasing.

Kasama ni Allen na bisita sa "Your Honor" ang kaniyang ka-love team na Sofia Pablo na siyang nagbisto tungkol sa nangyari sa binata nang malasing ito sa Bora, kasama ang iba pa nilang celebrity friends.

“Grabe ‘yun. Twenty first birthday niya sa Bora, kasama namin sila Sean Lucas, sila Bryce (Eusebio), Prince Carlos. Ako, puwede na ako nu’n pero hindi talaga ako uminom. Kasi nakaupo lang talaga ako, parang akong tita talaga,” kuwento ni Sofia.

“As in, na-stress ako nu'n, kasi baka mamaya, shucks po, sabihin, ‘bad representation’ kami ng kabataan. Kasi, hindi na talaga siya makalad,” natatawang pagbahagi ni Sofia tungkol kay Allen.

Si Allen naman, umamin na nalasing siya, at first time niyang uminom ng alak.

“‘Yun kasi 'yung first time po talaga ‘yun na uminom ako. Before talaga, hindi ako umiinom, kasi nagkaka-rashes ako. Eh sabi nina Sean, i-try ko lang daw talaga uminom nang todo,” kuwento ni Allen.

“Since birthday ko naman daw, nawala ako sa sarili ko, wala na ako naalala,” dagdag ng binata.

Ayon kay Allen, hindi siya sanay uminom noong una at hindi niya gusto ang lasa ng alak.

“Kasi nu'ng mga una, ang pangit ng lasa. Noong una, medyo ayoko pa, kasi siyempre, ayoko talaga sa lasa ng alak kasi,” saad niya, sinabi pang nagiging masaya na kapag nakarami na ng inom.

“Tapos nu'ng medyo, kalagitnaan, parang sumasaya, ume-enjoy. Tapos maya-maya inom na ako nang inom. Tumatamis, nawala ako sa sarili ko. As in, wala ako naalala kahit ano,” kuwento pa niya.

Kinabukasan na nalaman ni Allen ang lahat ng kaniyang mga ginawa nang ipakita sa kaniya ng mga kaibigan ang video gaya ng pag-ikay, pagsigaw, at halos hindi na siya makalakad.

Subalit sa kabila ng kasiyahang iyon, sinabi ni Allen na hindi na siya iinom ulit dahil sa naranasan din niya ang matinding hangover na buong araw.

Habang nagkukuwento si Allen, nagtanong si Buboy kung naranasan na ng binata na mag-uwi ng traffic cone nang malasing.

“Kini-clear ko lang. Kasi ako, ‘pag nalalasing ako, minsan, humihiga ako sa karton na hindi ko naman karton. Gano’n ako eh. Ganon lang ako. [Pero] Minsan, may tropa ako, nalalasing, nag-uuwi ng traffic cone. Gano’n ka ba?” natatawang tanong ni Buboy.

Bagaman walang pangalan na tinukoy si Buboy, tila hindi nakatiis ang co-host niyang si Chariz na siya mismo ang nagpahiwatig na siya ang tinutukoy sa kuwentong nag-uwi ng traffic cone.

“I-try mo, ang saya,” natatawang sabi ni Chariz. “The next day [nagtaka], ‘Bakit may traffic cone?”

Paglilinaw naman ng aktres, “Oy, binalik ko po, ah. The next day. Sorry na.” – FRJ GMA News