Patay na nang matagpuan ang isang 14-anyos na babae sa loob ng banyo ng isang abandonadong gusali sa Barangay Kapisaan sa Kasibu, Nueva Vizcaya. Ang biktima, hinihinalang ginahasa.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nakita ang biktima na duguang nakahandusay sa sahig at may nakapalupot sa kaniyang leeg.
Sa ulat ng pulisya, lumabas na asphyxia by strangulation ang dahilan ng pagkamatay ng biktima batay sa pagsusuri ng duktor.
Pinaniniwalaan din na ginahasa ang biktima batay naman sa resulta ng isinagawang post mortem examination.
Isang 17-anyos na lalaki naman ang inaresto ng pulisya na itinuturing suspek sa krimen.
Sinusubukan na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima at maging ang kaanak ng binatilyo, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
