Sa halip na tubig na pandinig sa mga tanim sa palayan, apoy ang tumambad mula sa isang ginagawang poso sa Dueñas, Iloilo.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabi ng caretaker sa lugar na gagamitin sana ng mga magsasaka ang poso para tubigan ang kanilang mga tanim.
Dahil sa insidente, nilagyan ng Bureau of Fire Protection ng harang ang paligid ng poso at pinaiiwas ang mga tao na pumunta doon.
Batay sa inisyal na pagsusuri na ginawa ng Environmental Management Bureau, ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 6, may nakitang 10% volume ng methane sa poso
Ang methane ay isang highly flammable gas kaya pinayuhan din ang mga residente na iwasan na manigarilyo o magsindi ng apoy sa lugar.
Patuloy ang ginagawang pagsusuri ng mga awtoridad sa lugar at sa poso. – FRJ GMA News
