Nahuli-cam ang pagsagasa ng isang bus sa isang motorsiklo na may dalawang sakay sa Valenzuela City. Ayon sa saksi, bigla na lang lumihis ng takbo ang bus kaya natumbok ang mga biktima.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing naganap ang trahediya sa Marcos Highway sa Barangay Dalandanan sa nabanggit na lungsod.

Kaagad na nasawi ang rider, habang naisugod pa sa ospital ang kaniyang kasama pero binawian din ng buhay.

Arestado naman ang driver ng bus na si Silverio Mejias, matapos tumigil ang kaniyang sasakyan nang bumangga sa sementong harang ng isang establisimyento at nagtuloy-tuloy sa loob ng parking lot.

Ayon sa saksi at motoristang si Harry Aling, nauuna siya sa bus nang mapansin niya na bigla itong kumaliwa at nasalpok ang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang biktima.

"Ang kasunuran ko pong bus ay bigla na lang siyang... ang layo po ng distansiya namin nasa 100-250 meters po. Tapos ang takbo namin ay nasa 40 kph, sa 'di inaasahan, biglang kumaliwa yung bus. Hindi ko alam ang dahilan, tapos yung motor nakaladkad niya sa ilalim hanggang tumalsik po yung dalawang tao," kuwento ni Aling.

Makikita sa video ang pagtalsik ng isang helmet ng biktima at wasak na wasak ang kanilang motorsiklo.

Ayon sa Valenzuela police, may nagsasabi na sumabog ang gulong sa unahang kaliwang bahagi ng bus. Posible rin umano na inantok si Mejias habang nagmamaneho.

Tumangging magbigay ng pahayag si Mejias, na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. --FRJ, GMA News