Kung hindi ipinamimigay nang libre, itinatapon na lamang ang dose-dosenang mga itlog, balut at penoy sa isang farm sa Candaba, Pampanga matapos hindi maibenta dahil sa taas ng presyo ng petrolyo.

Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ng isang nagtitinda ng mga itlog, balut at penoy sa isang farm sa Barangay Paligui na wala nang humahango sa kanilang mga paninda.

Bukod dito, hindi na rin makapag-deliver ang mga nagtitinda nito dahil iniinda nila ang mataas na presyo ng diesel.

“Posible po talaga na magsara kung patuloy na magtataas ‘yung diesel, petrolyo natin. Panawagan ho sana namin sa gobyerno sana magawan nila ng solusyon para bumalik sa normal ‘yung buhay,” sabi ni Timothy Dayandante, empleyado sa farm.

Ang iba namang itlog, balut at penoy, ipinamimigay na lamang ng farm para mapakinabangan.

Dama rin ang pagbaba ng presyo ng itlog sa ilang palengke sa Metro Manila.

Sa Blumentritt na isa sa mga bagsakan ng itlog, bumaba ng P10 hanggang P20 ang presyo kada tray ng itlog.

Sa kabila ng mura na ang itlog, mas kumaunti ang humahango at bumibili sa kanila dahil hindi naman makabiyahe dulot ng pagmahal ng petrolyo.

Kaya kung dati, nauubos na ang kanilang benta ng tatlong araw, umaabot na ito ngayon ng limang araw hanggang isa o dalawang linggo, ayon sa egg dealer na si William Payumo.

Ang mga humahango ng itlog, ramdam na mas mahina ang bentahan ng itlog dahil ang dati na per tray kung bumili, kada piraso na lang ngayon.

Wala namang pagbabago sa presyo ng itlog Sa Mega Q Mart sa Quezon City.

Nagkakahalaga pa rin ang small na itlog ng P8 kada piraso, P8.50 ang medium, P9 ang large, P9.50 ang extra large at P10 ang jumbo.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng Department of Agriculture at Philippine Egg Board Association tungkol sa bentahan ng itlog pero wala pa silang tugon sa ngayon.

Batay sa pinakahuling price monitoring ng DA, depende sa laki, naglalaro sa mahigit P6 hanggang halos P10 ang presyo ng white chicken egg.  —Jamil Santos/VBL GMA News