Habang tone-toneladang mangga ang nabulok at itinapon na lang sa Laoag, Ilocos Norte, sa Balinguian, Zamboanga del Norte, isang bata na nanguha umano ng bunga ng mangga nang walang paalam sa may-ari ng puno ang nasawi matapos umano siyang hampasin ng kahoy na may pako.
BASAHIN: Tone-toneladang mangga na hindi maibiyahe, nabulok kaya itinapon na lang
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ng Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9), na batay sa kuwento ng mga saksi, pumasok ang pitong-taong-gulang na biktima sa isang pribadong bakuran sa Barangay Alegria noong Miyerkules, Abril 8, upang manguna ng mangga at nahuli siya ng may-ari ng lupa.
Hinampas umano ng 55-anyos na suspek ang bata gamit ang isang kahoy na sinasabing may mga pako.
Nagtamo ang bata ng multiple injuries na itinuturing ng Municipal Health Office na posibleng sanhi ng pagkamatay ng biktima.
“According sa interview sa witnesses, nahuli siya ng may-ari ng puno. Based sa initial investigation pinagpapalo ng isang ‘dos por dos.’ Sa kasamaang palad, may iilang pako yung dos por dos. Maraming tama ‘yung bata and ‘yun ang tinitingnan ng ating Municipal Health Office na pwedeng maging cause ng kanyang death,” sabi ni PRO-9 Spokesperson, Major Shellamie Chang.
Nakita ang bangkay ng bata sa loob ng compound.
Inaresto na ang suspek na mahaharap sa kaukulang reklamo. – FRJ GMA Integrated News
