Pinagbawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ang lahat ng pulis at sundalo sa buong bansa na huwag iinom sa mga pampublikong lugar.

Ang pahayag ay ginawa ni Duterte kasunod nang pagbabalik-tanaw niya noong alkalde pa siya ng Davao City nang magkasagupa ang isang pulis at isang sundalo na nag-iinuman sa isang establisimyento.

"Kayong mga pulis, [I'm] warning you. Do not drink in public. Sa Davao pinagbawalan ko 'yan pati kayo na ngayon. All over the Philippines," deklara ni Duterte sa Barangay Summit on Peace and Order sa Pasay City.

"You do not enter into drinking places kasi wala kayong gawin 'pag lasing na, kayo ang tigas, pati Army, huwag kayo magdala ng baril," sabi ng pangulo.

Pinuna rin niya ang pagkakasangkot ng mga sundalo at pulis sa ilang kaso ng kidnapping at patayan.

Nauna nang nagbigay ng direktiba si Duterte sa mga pulis na papasok sa mga casino para magsugal. — FRJ, GMA News