Isang residente sa Barangay Commonwealth, Quezon City ang ninakawan ng cellphone ng lalaki na nagkunwari agent ng isang telco company at nag-aalok ng promo. Pero natuklasan na hindi ito ang unang pagkakataon na umatake ang salarin gamit ang katulad na modus.

Ayon sa ulat ni Cesar Apolinario sa "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ng biktima na dinampot ng suspek ang kaniyang cellphone habang abala siya sa pagsusulat sa application form na ibinigay ng lalaki.

"May dala siyang application form. Habang nagsusulat ako kasi mahaba 'yun, nakalapag yung cellphone ko pagtingin ko wala na siya. Pati cellphone ko, wala na," anang biktima.

Hindi na-hulicam ang aktuwal na pananalisi, pero makikita sa CCTV ng barangay ang mabilis na pagtakas ng suspek sakay ng motorsiklo.

Ang biktima, nagpakita ng litrato na galing sa post ng isa pang netizen na nabiktima rin umano ng suspek.

Sa ini-upload na video, nahuli-cam ang suspek habang kausap ang isa pang biktima na inalok din umano ng promo ng telco company.

Makikita na pinuntirya rin ng agent ang cellphone na nakapatong sa malapit na mesa habang inaasikaso ng ang may-ari ang ibinigay niyang papeles.

Ayon sa nabiktima sa Commonwealth, pareho ang modus at iisa lang ang suspek na nambiktima sa kaniya at sa nag-post ng video.

Ang mga opisyal ng barangay, nakikipag-ugnayan na raw sa mga iba pang nabiktima ng suspek.

Nagbabala naman sa publiko ang mga awtoridad na mag-ingat laban sa suspek na patuloy na hinahanap.-- FRJ, GMA News