Na-hulicam ang pagsalpok ng isang motorcycle rider sa isang dump truck sa kahabaan ng Cambridge Street sa Quezon City pasado 1:30 ng madaling araw nitong Huwebes.

Ang motoristang walang helmet, dead on the spot.

Sa ulat ni James Agustin sa "Balita Pilipinas Ngayon" ng GMA News TV, makikita sa CCTV na tumilapon ang biktima nang sumalpok ang kanyang motorsiklo sa dump truck na mabagal naman ang takbo.

Hindi naman huminto ang truck driver matapos ang insidente.

Kinilala ang biktima na si Jomar dela Cruz.

Ayon sa mga kaanak, galing si Dela Cruz sa inuman at may hinatid lang siyang kasamahan sa may K-7th Street.

Kuwento ng pamangkin ng biktima na si Germie, "Sabi ko sa kanila kanina dapat mag-tricycle na lang kayo, huwag na kayong mag-single. Kasi motor ko 'yan eh. Tama lang po inom niya. Lasing."

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang driver ng dump truck.

Ang hiling ng pamilya ng biktima: "Hingi na lang kami ng tulong sa kung sinuman ang nakabangga sa kanya. Para panagutan niya ang nangyari kung anuman ang aksidente, nadatnan niya dapat huwag niya takasan." —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News