Patuloy na sinisiyasat ng mga awtoridad kung drug overdose dahil sa ecstasy ang ikinamatay ng 19-anyos na si Ashley Abad habang dumadalo sa Sinulog Festival sa Cebu. Ang kaniyang pamilya, nakiusap sa publiko na huwag kaagad siyang husgahan at hintayin na lang ang resulta ng imbestigasyon.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing bahagi na ng imbestigasyon na ginawa ng mga awtoridad ang kumakalat na video sa social media na makikita si Abad nang tila mawalan ng malay sa gitna ng selebrasyon sa isang concert party ng Sinulog festival noong Sabado.
Sa video, makikita ang biktima na inalalayan ng kaniyang mga kasama. May naglagay pa sa kaniya ng shades sa mata pero tinanggal din niya ito kaagad.
Isinugod sa ospital si Abad pero binawian ng buhay kinabukasan.
Sa medical certificate, sinabi ng tiyuhin ng biktima na si Benny Abad, cardiac arrest due to drug overdose ang nakasaad na dahilan ng pagpanaw ng dalaga.
"Ang nakalagay doon is cardiac arrest due to drug overdose. We do not know yet, parang scientific kasi. Ang sabi ng iba, it's ecstasy. But as I said, we want to know the truth, kung ano talaga 'yon," pahayag niya.
Dagdag ni Benny, "We don't want to point fingers, let the truth come out. We will leave it up to them (police) kung ano talaga kakalabasan."
Ayon kay Leia Alcantara, information officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-7), na hindi pa nila masabi kung ecstasy talaga ang dahilan ng overdose ng biktima.
"Kasi baka may ibang substance lang talaga na na-ingest," saad niya.
Sinuri na ng PDEA ang concert venie pero aminado silang mahirap ma-detect kung may party drug na ginamit sa lugar.
Isasailalim din sa awtopsiya ang mga labi ni Ashley para malaman ang katotohanan.
Pakiusap ngayon ng mga kaanak ni Abad sa publiko lalo na sa social media, huwag kagaad maghusga.
"Sa social media grabe talaga ang sinasabi ng mga tao. Sana antayin na lang natin ang results bago tayo mag comment," pakiusap ni Benny.
"By looking at her face nobody could tell that she's into drugs or she's a user to that effect. Wala, wala talaga. Mabait, mabait talaga 'yang batang 'yan kaya we want to seek justice for her," dagdag ng tiyuhin.-- FRJ, GMA News
