Nasawi ang dalawang pasahero habang 35 ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang bus sa Pagbilao, Quezon.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, inilahad ng Pagbilao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na nagmula sa Daet, Camarines Norte ang bus at papunta sana sa Maynila.
Nagkaproblema umano sa preno ang bus habang pababa ito sa pakurbang parte ng national highway sa Sitio Upper Sapinit.
Hanggang sa hindi na umano nakontrol ng driver ang manibela at dumiretso ang bus sa bangin.
Pahirapan ang pagsagip sa mga sakay ng bus.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang 35 sugatan.
Nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng bus company sa pulisya at sa mga biktima.
Hindi pa sila nagbibigay ng pahayag ukol sa insidente. —Jamil Santos/VBL GMA News
