Nasawi ang isang 12-anyos na babae matapos siyang tamaan ng bala habang tinutugis ng mga pulis ang isang suspek na umano’y nagpaputok ng baril sa General Santos City. Ang batang biktima, niyakap umano ang ibang mas bata sa kaniya para protektahan.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA News Saksi nitong Lunes, makikita sa video footage ang isang pulis habang nakakubli sa gilid ng bahay at hawak na baril noong Sabado ng umaga.
Madidinig naman ang mga sigaw ng residente upang pakiusapan ang pulis at ipaalam na may mga bata sa lugar na maaaring madamay.
Gayunman, madidinig pa rin ang pagputok ng baril. Natigil lang ito nang mapuruhan na umano ang tinutugis na suspek.
Nakita ang katawan ng 42-anyos na suspek sa damuhan.
Hinabol ng mga pulis ang suspek matapos na tumakas nang rumesponde sila dahil sa reklamo na nagpaputok umano ito ng baril.
Ngunit maliban sa suspek, nakita ring duguan at may tama ng bala ang 12-anyos na babae na nasa loob ng bahay.
Ayon sa lola ng bata, tinamaan ng bala sa ulo ang kaniyang apo at tumagos sa leeg.
Niyakap daw ng biktima ang ibang mga bata para makaligtas sa ilalim ng higaan.
Dinala sa ospital ang bata pero binawaian din ng buhay.
Sinasabing bala umano mula sa baril ng suspek ang nakatama sa bata.
Pero kinukuwestiyon ng pamilya ng biktima ang naturang operasyon ng pulisya dahil sa ipinagpatuloy nila ang pagtugis at pagpapaputok kahit sinabihan na sila tungkol sa kalagayan ng mga bata. Hangad nila na mabigyan ng hustisya ang kanilang mahal sa buhay.
Iginiit naman ng pulisya na ginawa lang nila ang kailangan nilang gawin para sa kaligtasan ng mga tao sa lugar.
Gayunman, magsasagawa raw sila ng imbestigasyon sa insidente at rerebisahin ang kanilang protocols sa mga katulad na insidente. – FRJ GMA News
