Sa kulungan ang bagsak ng isang bagong panganak na babae sa Baguio City matapos niya umanong patayin ang sarili niyang sanggol.

Ayon sa balita ni Joan Punsoy sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, nalaman sa imbestigasyon na itinago ng 26-anyos na suspek ang kaniyang pagbubuntis sa kaniyang mga kaanak at asawa.

Iniluwal raw niya ang sanggol ng mag-isa sa loob ng banyo habang nagbabakasyon sila sa ibang probinsya.

Pag-uwi nila sa Baguio, dinala sa ospital ang babae dahil sa pananakit ng tiyan at doon pa lang nadiskubre na nabuntis at nanganak pala ang babae.

"Nadiskubre ng doktor na parang bagong panganak, so tinanong kung asan ang bata...Ayaw (niyang) sabihin. So sabi ng duktor, check niyo nga 'yong bag, nakita doon 'iyong (bata)," sabi ni Police Chief Inspector Francisco Cacas, Jr., hepe ng Baguio City police Station 5.

Asphyxia by suffocation ang sanhi ng pagkamatay ng sanggol.

Sinampahan na ng kasong infanticide ang suspek.

Sa harap naman ng Children's Park sa Baguio City nakita ang bangkay ng isang bagong silang na sanggol.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang nag-iwan ng bata na isinilid pa sa loob ng isang plastic bag na natagpuan nitong Martes ng umaga. —Margaret Claire Layug/ LDF/FRJ, GMA News