Inaresto ng mga pulis ang kanilang kabarong pulis sa Pasay City matapos na ireklamo ng kidnap-for-ransom ng live-in partner ng lalaking kanilang inaresto sa Makati at hiningan daw ng P100,000.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabing kaninang madaling nasakote sa entrapment operation ng PNP-Counter Intelligence Task Force si Police Corporal Anwar Encarnacion Nasser.
Ayon sa nagreklamong lalaki, naglalakad siya sa Makati City nitong Martes nang arestuhin siya ng nagpakilalang pulis na nakasibilyan at may baril dahil isa umanong siyang drug suspect.
Kinagabihan, nanghingi umano ang mga pulis ng P100,000 sa ka-live in ng lalaki bilang kapalit ng kaniyang kalayaan.
Dahil dito, nagsumbong ang babae sa CITF at ikinasa ang entrapment operation.
Natuklasan ng CITF na hindi nakalagay sa blotter ang pag-aresto sa lalaki.
Pero depensa ni Nasser, wala siyang kinalaman sa insidente at hindi raw niya alam na may nahuling suspek.
Pinaghahanap naman ang tatlo pang kasamahan umano ni Nasser na sina Police Lieutenant Ronaldo Frades, Patrolman Anthony Fernandez at Sergeant Rigor Octaviano.
Dahil sa command responsibility, tinanggal naman ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar sa puwesto ang hepe ng Pasay police na si Police Colonel Noel Flores, at ang mahigit 20 miyembro ng drug enforcement team ng estasyon.
WATCH: NCRPO Chief Eleazar, halos 'di na nakapagtimpi sa pulis na nangotong umano sa inarestong drug suspect
Bukod kay Nasser, nahuli rin at sinabon pa ni Eleazar si Police Corporal Marlo Siblao Quibete ng Eastern Police District (EPD)-Drug Enforcement Unit (DEU), dahil sa reklamong pangongotong umano sa drug suspect. -- FRJ, GMA News
