embed

Arestado ang isang lalaki sa Rodriguez, Rizal na apat na taong nagtago matapos umanong gahasain ang kaniyang dating nobya noong sila'y mga menor de edad at magkarelasyon pa.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras" nitong Miyerkules, natunton ng mga pulis sa Barangay San Isidro ang suspek na si Alvin Monte Alegre sa tulong ng isang impormante.

"''Yung victim, 14 years old that time, 2015, then ang suspek, 17 naman. Both minor sila. Bale, ang info, mag-bf sila, itong lalaki inaya niya itong babae, na sumama sa lalaki, ang nangyari nag-complain ang nanay ng babae, dahil hindi bumalik ang bata ng isang linggo," ayon kay Lieutenant Colonel Melchor Agusin, hepe ng Rodriguez, Rizal Police.

Depensa naman ng suspek, pareho nilang ginusto ng dating kasintahan ang nangyari.

"Hindi ko naman siya pinilit. Sa nanay, mapatawad sana ako, nagmamakaawa ako sa kanya," ayon kay Alegre.

Samantala, arestado rin sa Antipolo City ang isang suspek naman sa pagpatay matapos ang halos tatlong dekadang pagtatago.

Bumagsak sa kamay ng pulisya ang wanted na si Pedro Adonis Cabodil Jr. na may kasong murder sa Leyte.

Ayon sa mga awtoridad, ibang pangalan na ang ginagamit ni Cabodil pero nahuli siya matapos ang isang buwang pag-iimbestiga sa kaniya ng pulisya.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek. —Dona Magsino/NB, GMA News