Isang 17-anyos na dalagita ang patay matapos barilin malapit sa kanilang bahay sa Tondo noong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Hirit, kinilala ang biktima na si Ronalyn Jamon.

Ang insidente ng pamamaril nakunan pa ng CCTV sa Barangay 129 sa Tondo, Maynila.

Bumibili lang ng pagkain ang biktima nang siya ay lapitan ng armado at tutukan ng baril.

Umalis pa ang lalaki pero bumalik din ito. Dito na pinagbabaril ang biktima.

Posible raw napagkamalan si Ronalyn, na magdiriwang sana ng kanyang ika-18 na kaarawan sa Hunyo. —NB, GMA News