Isang estudyante sa Laguna ang nakapagtapos kahit na naging comatose siya noong 2017 dahil sa isang aksidente, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.
Viral ngayon ang post ni Nikee Strada Laderas kung saan idinetalye niya ang kaniyang pinagdaanan mula nang siya ay maaksidente at ma-comatose nang apat na araw noong Agosto 31, 2017.
Nag-agaw buhay noon si Nikee na nag-aaral ng AB Communication matapos magkasalpukan ang sinasakyan niyang motor at isang kotse.
"Pauwi po ako nun sa bahay namin. May nakasalubong po ako na mabilis din na sasakyan, yung kotse po. Pareho kaming mabilis, nagkasalpukan kaming dalawa,” kwento ni Laderas.
Dahil sa kritikal na kondisyon, sinabihan ng doktor ang mga magulang ni Nikee na magiging parang lantang gulay na siya sakaling mabuhay.
“Hatinggabi, dumating na lang yung balita sa amin. Naging ano na lang, parang na-block na yung isip ko,” anang ama ni Nikee.
Nabigla naman ang kanyang ina nang mabalitaang nag-aagaw buhay ang anak. “Agad na pumasok sa isip ko na sana makaligtas siya sa kritikal na kondisyon niya,” sabi nito.
Sumailalim pa sa mga surgery si Nikee dahil sa tindi ng pinsalang tinamo ng kanyang katawan. Nilagyan din ng bakal ang kanyang mga binti.
Pinilit niyang makapasok sa klase kahit hindi pa tuluyang nakaka-rekober. Pumasok siya sa mga klase nang naka-wheelchair.
“Sobrang proud ako noon. Kahit naka-wheelchair ako, kahit wala akong ngipin noong mga time na yun, yung lakad ko pilay sa kung pilay, pumasok ako, ‘di ako nahiya kasi gusto kong makita nila na nagbunga yung pagdadasal na ginawa niyo,” ani Nikee.
Nagbunga din naman ang pagsisikap niya dahil consistent siyang dean’s lister, kahit pa walong subject ang kailangan niyang habulin.
“Nag-question ako sa sarili ko kung may Diyos ba. Hanggang sa noong nangyari sa akin 'tong matinding karanasan na 'to. Naniwala na lang ako at ibinabahagi ko na lang sa iba,” sabi niya. —Joviland Rita/KBK, GMA News
