Hindi tumalab ang matatamis na salita at sangkaterbang pera na ipinakita ng isang Nigerian national sa Pinay na kaniyang bibiktimahin matapos siyang maaresto sa Maynila.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naaresto sa isang hotel sa Maynila sa entrapment operation ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang dayuhang si Roger Hoff.

Nang maaresto si Hoff, nakatakda sana niyang kunin sa Pinay na kaniyang bibiktimahin ang hinihingi niyang $8,500 para umano makuha naman ang isang maletang dolyares na ipinatago niya sa iba.

Ang modus umano ni Hoff, maghahanap sa social media ng babaeng mayaman na kaniyang liligawan.

Nagpakilala raw itong negosyante ng buy-and-sell ng properties sa Pilipinas, Singapore at Malaysia. Upang makombinsi ang kaniyang target, papakitaan niya ito ng mga pera.

"Na-shock ako na pinakitaan ng isang maletang pera, na sobrang laking maleta na punong-puno ng dollar para magtiwala ako sa kanya na businessman siya," ayon sa biktima.

Ayon sa biktima, nagduda siya at nagsumbong sa mga awtoridad nang hingan siya ng suspek ng pera upang makuha umano ang maletang may laman na dolyar.

"Ang intended target nila ay middle age, retired and financially capable, 'yon ang common denomination nila. May romantic relationship kayo, yun ang ika-capitalize nila para mai-mold ka nila, to victimize you at ma-lure you in making an investment na scam lang," ayon kay Atty. Vic Lorenzo, chief, NBI-Cybercrime Division.

Nang maaresto, nakuha pa sa suspek ang pekeng British passport

Gayunman, itinanggi ng ng suspek ang bintang laban sa kaniya at iginiit na nagsisinungaling lang biktima.

Mahaharap ang suspek sa mga reklamong estafa in relation to the cybercrime prevention act at falsification of public documents.

Paalala naman ni Lorenzo sa publiko, "When it is too good to be true, it is not true. Kapag napakalaki, millions of dollars ang yield ng investment mo, at kailangan mo lang magbayad for the release, hindi totoo 'yan."-- FRJ, GMA News