Binaril ng isang lolo ang sariling asawa at apo nitong Huwebes sa loob ng National Center for Mental Health sa Mandaluyong City, ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.

 

Ayon sa hepe ng Mandaluyong Police na si Moises Villaceran Jr., bumisita ang lolo na kinilalang si Wilfredo Ocampo Jr. at ang kanyang asawa na inaalam pa ang pagkakakilalan sa mental hospital kung saan nagpapagamot ang apo nilang si  Joshua Anthony Ocampo, 27-anyos.

Kinausap daw ni Wilfredo si Joshua Anthony sa Pavillion 6 Ward 1 ng mental hospital pero iba raw ang sagot ng apo. Ikinagalit daw ito ng lolo kaya niya binaril ang apo bandang 2:30 p.m.

Nabigla raw ang lola nang barilin ni Wilfredo ang apo kaya nagwala ang lola. Dahil dito, binaril din siya ng kanyang asawa, kwento ni Villaceran.

Nasawi sa pamamaril ang apo na, ayon kay Villaceran, mayroong court order na i-detain dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga

Habang ang lola naman na may dalawang tama ng baril ay itinakbo sa ospital at nagpapagaling.

Ayon sa ulat ng pulisya, matapos daw barilin ni Wilfredo ang dalawa, tumakbo ang isang saksi palabas nang may narinig pa siyang tatlong putok, kaya pinaniniwalaang nagbaril sa sarili si Wilfredo na nagresulta sa kanyang pagkasawi.

“Yun ang problema namin, bakit nakapasok yung baril eh sobrang napakahigpit ng mental hospital? Ultimo mga pulis na naka-uniporme ay bawal at caliber .45 pistol na baril ang ginamit,” sabi ni Villaceran ayon sa tweet ng Super radio dzBB. —NB, GMA News