Dinakip ang isang nagpakilalang TV director sa San Pablo, Laguna matapos umano niyang perahan ang mga nire-recruit niyang batang talent na bibida sa commercial.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang isinagawang operasyon para mahuli ang suspek na kinilalang si Jimmy Bernal.

Pagdating ni Bernal sa kaniyang opisina sa San Pablo, kinausap na niya agad ang complainant dahil kukunin niya ang P10,000 na bayad kapalit ng paglabas sa TV commercial ng anak nito.

Ang pagkuha ni Bernal sa pera at pagsilid sa kaniyang bulsa ang naging hudyat para kumilos ang pulisya at dakipin ang inirereklamong direktor.

Inaresto rin ang isa sa tauhan ni Bernal.

Isinaad ng mga nagrereklamo na nag-iikot sa ilang paaralan ang suspek at mag-aalok na gagawin niyang commercial model ang kanilang mga anak.

Mayroon itong P675,000 na talent fee, pero kailangan munang magbayad ng 10-percent o higit P60,000 ang mga magulang ng bata na kaniya raw komisyon, bago i-shoot ang commercial.

"Parang napaka-odd o hindi pangkaraniwan na mag-o-offer ka ng isang trabaho sa isang tao na ikaw pa ang hihingi ng kapalit. Instead na bibigyan ka ng compensation para du'n sa trabaho o sa services, ikaw pa ang sisingilin," sabi ni Police Liutenant Colonel Eliseo Bernales, Chief of Police ng San Pablo PNP.

"Good news daw po, anak ko raw po ang nakuhang bida," sabi ng isang nanay na biktima.

"Sabi po sa akin, pangako po sa akin, ako raw 'yung bida sa commerical," ayon naman sa isang batang biktima.

"Tiwala po kami na mapapanood naman po ang anak namin sa TV. Hindi naman po namin alam na hindi po totoo 'yung commercial na sinasabi niya. Wala po [nangyari]. Pinangakuan lang po niya uli ako, sabi update update, pero wala naman po," sabi pa ng isang nanay.

"Pinasayaw po... Magiging bida po," sagot ng anak ng isang biktima.

Ngunit wala rin nangyari sa bandang huli. Tingin ng pulisya, marami pang nabiktima ang suspek.

"Nangako siya ng specific na trabaho with specific compensation na hindi naman niya naibigay," sabi ni Police Lieutenant Colonel Bernales.

Dumepensa si Bernal na tunay ang paniningil niya ng pera.

"Workshop po ang binabayaran sa'min," anang suspek. —Jamil Santos/NB, GMA News