Isang lalaki ang natagpuang patay sa harap ng isang traveler's inn sa Quezon City nitong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Super Radyo dzBB, ang hindi pa nakikilalang lalaki ay natagpuang nakapantalon at walang damit pang-itaas.

Ayon sa mga pulis, natagpuan ng guwardiya ng Rosas Travellers Inn sa may Muñoz Market ang bangkay ng alas-5 ng umaga.

 

 

Nakahandusay ang lalaki at may dugo sa ulo.

Nagtangka raw mag-check-in ang lalaki sa inn ngunit wala itong pera kaya hindi nakapasok. Naghintay na lamang ang lalaki sa labas ng establisimyento.

Laking gulat na lang daw ng guwardiya nang makita ang bangkay nitong Sabado ng umaga.

Kasalukuyang iniimbestigahan pa ng mga pulis ang pangyayari. —KG, GMA News