Dalawang suspek na nagpanggap na buyer ang nahuli sa camera matapos tangayin ang mga cellphone at pera ng isang online seller na nagkakahalaga ng P165,000 sa isang "meet up" sa Taguig.
Sa ulat ni EJ Gomez sa "24 Oras Weekend" nitong Linggo, nangyari ang insidente sa Barangay North Signal, Taguig City, noong Miyerkules ng gabi.
Sa viral na video, makikitang habang nakikipag-usap ang mga suspek sa biktima ay bigla umanong bumunot ng baril ang isa sa kanila at hinablot ang bag na naglalaman ng mga gamit.
“Akin na ’yan, patayin ko kayong dalawa… ’Di mo ibibigay?” maririnig na sabi ng suspek sa video.
Matapos makuha ang bag, agad tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo.
“Na-capture po ’yung insidente dito sa glasses ko na may camera. Tapos nung tinanong ko po kung ano ’yung uunahin nilang iche-check na unit, bigla na lang po nila kaming tinutukan ng baril at kinasa pa sa harap namin,” kuwento ng biktima.
Ayon sa 21-anyos na biktima, isinama niya ang kaniyang kaibigan sa meetup, na makikitang may hawak na bag sa video.
“Bigla po silang naglabas ng baril tapos hinablot sa akin ’yung bag. Nablangko po ako, parang wala na rin po akong nagawa. Natakot na rin po ako,” ani ng kaibigan ng biktima.
Laman ng bag ang apat na cellphone na nagkakahalaga ng tinatayang P140,000 at cash na umaabot sa P25,000.
Ayon sa biktima, balak muna sana nilang kumain habang hinihintay ang katransaksyon nang biglang sumulpot ang dalawang suspek at nagdeklara ng holdap.
Sa ulat ni Gomez, ikalawang meetup location na ito ng mga biktima matapos umuwi muna sila sa unang lugar dahil inakala nilang “pinagtitripan” lamang sila ng mga buyer.
Ilang oras matapos iyon, muling nag-chat ang mga suspek at nagbigay ng panibagong lokasyon para sa transaksyon.
“Medyo suspicious po sila nung gusto nila kaming i-meetup sa madilim na lugar. Nakasasakyan daw sila at dadaanan na lang daw nila ’yung unit. Hindi po ako pumayag kasi sobrang dilim po,” dagdag ng biktima.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad, naaresto kahapon, Hulyo 4, ang isa sa mga suspek na umano’y tumutok ng baril.
“Nakuha agad sa kaniyang possession ang isang kalibre na baril, na ngayon ay pinoproseso kung paano niya ito nakuha at kung sino ang rehistradong may-ari,” ayon kay Taguig Police Chief Investigator P/Capt. Melvin Garcia.
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek, na wala pang inilalabas na pahayag. Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pa niyang kasamahan.
Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong robbery at illegal possession of firearms and ammunition.—Lyjah Tiffany Bonzo/MCG GMA News

