Sugatan ang apat na residente habang nangamatay ang tatlong kambing matapos umatake ang isang asong gala sa Talisay City, Negros Occidental.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita na sariwa pa ang sugat sa nguso ni Helmar Gelonga matapos kagatin ng asong gala sa kanilang barangay.
Ayon sa kaniya, nagbabantay siya noon ng sakahan nang bigla siyang salakayin ng aso.
“Dalawang beses niya akong inatake. Noong una, hindi ako natamaan… Sa pangalawa, doon na. Pinigilan ko lang ng aking kamay,” sabi ni Gelonga.
Sinabi ng barangay na maliban kay Gelonga, may apat na iba pang inatake ng aso.
Isa pa sa mga inatake ang barangay health worker na si Ana Mae Castillo.
“Nagbusina ako kasi akala ko normal lang na aso. Nagulat ako nang bigla niya akong niluksuhan habang nakamotorsiklo pauwi,” sabi ni Castillo.
Nagpabakuna na ang mga nakagat ng kontra rabies.
Sinalakay din ng aso ang tatlong kambing, na nangamatay.
“Huhulihin na sana ang aso kaya lang pumunta sa mga katubuhan, hindi na ma-locate ngayon,” sabi ni Elanie Vido, coordinator ng barangay health center.
Patuloy ang pagtutok ng Talisay City Veterinary Office at City Agriculture Office sa insidente.
“If buhay ang aso, kailangang ilagay sa kulungan, at obserbahan ang kaniyang attitude. If nakita natin ang signs and symptoms ng aso na rabid na hihintayin na mamatay,” sabi ni Katherine Gemotra ng Talisay City Agriculture Office. —Jamil Santos/VBL GMA News
