Tumilapon at nawalan ng malay ang isang menor de edad na biglang sumulpot mula sa center island matapos siyang masalpok ng motorsiklo sa Roxas Boulevard sa Paranaque City.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa dash cam ang pag-andar ng motorsiklo, habang bumababa naman mula sa center island ang lalaking biktima sa harap ng Baclaran Church noong Huwebes.

Kalaunan, nasalpok ng motor ang menor de edad at sumemplang ang rider.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkagulo sa harap ng simbahan ang ilang kabataan, kasama ang biktima.

Agad namang dinala ng pulis sa ospital ang biktima.

Sinabi ng pulisya na hindi na magsasampa ng reklamo ang mga magulang ng biktima laban sa rider.

Nagkasundo na ang rider at ang pamilya ng biktima na sasagutin ang rider ang pagpapagamot sa menor de edad. —Jamil Santos/VBL GMA News