Nasawi ang isang 16-anyos na lalaki matapos siyang barilin umano ng nakaalitan niyang rider ng motorsiklo sa Tondo, Maynila. Ang pinagmulan ng away, dahil daw sa pagbati ng "Pangit" sa babaeng angkas ng rider na suspek.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente madaling araw nitong Martes.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang pagdaan ng isang motorsiklo sa na sinipa ng isa sa tatlong lalaking papatawid.
Hinabol pa ng grupo ng mga lalaki ang motor pero hindi nila ito inabutan.
Ngunit ilang saglit ang lumipas, bumalik ang lalaking nakamotorsiklo, pumarada, saka sinugod ang tatlong lalaki at nagpaputok ng baril.
Nagsitakbuhan ang tatlong lalaki ngunit tinamaan ang isa sa kanila na si Kevin Lois Monsod.
Makikita sa isa pang kuha ng CCTV na napahiwalay si Monsod ng tinakbuhang kalsada.
Isinugod pa ng mga taga-barangay si Monsod sa ospital pero binawian din ng buhay.
"The victim sustained lone gunshot wound. Unfortunately parang nag-ricochet siya pababa because parang 'yung collarbone dito tumama tapos pababang ganu'n na nag-hit sa kaniyang baga," sabi ni Police Lieutenant Colonel Rey Magdaluyo, Commander, MPD Station 1.
Ayon sa isa sa kasama ni Monsod, binati niya ang isa sa tatlong angkas na babae ng suspek dahil kakilala niya ito.
"Nakita ko po 'yung kaklase kong babae tapos binati ko lang po na, 'Pangit kumusta na.' Tapos 'yung lalaki kung anu-ano na po 'yung sinasabi. Tapos 'yung kasama po naming si Kevin nag-init po 'yung ulo," sabi ng kaibigan ng biktima.
"'Yung mismong rider po na lalaki kung anu-ano na pong sinabi sa amin na hindi maganda. Kaya 'yung isa po naming kaibigan (Monsod) biglang nag-amok kasi dala na po ng kalasingan. Nagalit po," ayon naman sa isa pang kaibigan ni Monsod.
Labis naman ang hinanakit ng ina ni Monsod sa sinapit ng kaniyang anak.
"Sana 'yung gumawa nu'n 'yun na lang 'yung maano namin bakit ganu'n 'yung ginawa niya sa anak ko," sabi ni Raquel Monsod, ina ng biktima.
Bukod sa pagkamatay ni Monsod, iniinda rin ng kaniyang pamilya ang mahigit P25,000 na sinisingil sa kanila ng ospital.
"Sabi kailangan niyo daw i-produce itong pera na 'to para daw maano 'yung anak niyo. Sabi namin, bakit naman po eh wala nga kaming nakita kung ano 'yung ginawa namin sa anak namin, makukuha namin sa punerarya na po 'di ba?" sabi pa ni Gng. Raquel.
Makikipag-ugnayan umano ang MPD Station 1 sa ospital para mailabas at madala sa punerarya ang labi ni Monsod.
Tiniyak naman ni Magdaluyo na ilalabas nila ang pagkakakilanlan ng suspek para papagutin ito sa ginawang krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
