Isang babaeng tumatawid sa kalsada sa Malate, Maynila, ang namatay matapos mabundol ng isang jeep nitong Biyernes ng hapon, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Sabado.
Nakilala ang biktima na si Christina Flores.
Sa kuha ng closed-circuit television ng Barangay 727, nakuhanan pa ang biktima na nakasuot ng itim na tumatawid sa kanto ng Singalong at Estrada Streets sa Malate nang 2:30 p.m.
Maya-maya ay lumiko ang isang jeep at nabundol ang babae.
Ang biktima ay pumailalim sa jeep kaya't nahirapan ang mga sumaklolo sa kanya.
Nagtulong-tulong ang mga tao sa lugar na makuha ang biktima na naipit sa ilalim ng jeep.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, hindi kumagat ang preno ng jeep.
Ayon kay Police Staff Sergeant Ace Gregory Catalan, investigator ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit, tila hindi napansin ng driver ng jeep na may tumatawid sa kalyeng pinaglikuan niya.
Makaraan ang halos kalahating oras, nakuha rin ang biktima at siya'y isinugod sa Ospital ng Makati.
Binawian ng buhay ang biktima pasado alas-singko ng hapon ng Biyernes.
Sinubukan pang tumakas ng jeepney driver na si Nerio Jumawan subalit naharang siya ng mga tao.
Nasa kustodiya na ng MPD-Traffic Enforcement Unit si Jumawan.
Aminado si Jumawan na hindi niya napansin ang biktima na tumatawid ng sandaling 'yon na mangyari ang aksidente.
Humingi siya ng tawad sa pangyayari.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si Jumawan.
Payo ng pulisya sa mga motorista at pati na rin sa mga pedestrian, maging alerto sa kapaligiran. —KG, GMA News
