May mga guro na nakikisabay sa modernong teknolohiya at idinadaan sa social media ang pagbibigay ng mga takdang aralin sa kanilang mga estudyante. Pero ang Department of Information and Communications Technology o DICT, nais itong ipagbawal.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules,  idinahilan ng isang guro na mas madaling malalaman ng mga estudyante ang kanilang takdang aralin kapag idinaan sa group chat sa social media.

"Para ma-encourage sila na makagawa ng assignment, gumagawa kami ng group chats. syempre mas active sila dun," paliwanag ni teacher Hyviemae Ayende.

"Kahit nasaan silang lugar, puwede nilang sagutan at wala silang magiging reasons na hindi nila nabasa kasi makikita mo doon na na-seem nila, na na-download nila," dagdag niya.

Ang isa namang guro, ipinapa-post sa social media ang ginawa nilang assignment para makakuha ng mga komento sa mga netizen.

"Halimbawa, ang aking aralin ay pagsulat ng dagli o maikling-maikling kwento. Kapag 'likes' kasi, ang daling pindutin. Kapag comment, una nalalaman ko orihinal ang gawa kasi maraming mahilig ding magbasa ng dagli. Pangalawa, yung mga komento nila para mas mapaganda pa yung gawa ng aking mga mag-aaral," sabi ni teacher Evangeline Garvida.

Sa kabila nito, sinabi ni DICT Assistant Secretary Allan Cabanlong, na batay sa pakikipag-ugnayan nila sa mga magulang, mas marami ang tutol na gamitin ng mga guro ang social media sa pagbibigay ng mga takdang aralin.

Nagagamit daw na dahilan ng mga bata ang assignment para gumamit ng gadgets para lang makapaglaro rin online.

Isasangguni pa umano ng DICT sa Department of Education ang kanilang mungkahi na ipagbawal ang paggamit ng social media sa pagbibigay ng assignments sa mga bata.

Si DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, suportado ang mungkahi ng DICT, at nais na tradisyonal na paraan ang gamitin ang mga guro sa pagbibigay ng takdang aralin na ginagawa kapag patapos na ang klase.

Nais din ng DICT na ipagbawal ang pagtatakda ng mga guro na i-post ng mga estudyante sa social media ang kanilang mga assignment para makakuha ng maraming "likes" dahil may kaakibat umano itong peligro sa seguridad ng mga bata.--FRJ, GMA News