Nahuli-cam ang pagnanakaw ng stuffed toys sa isang tindahan sa Odiongan, Romblon.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, nakunan ng CCTV ang isang babae na mabilis na nagsisilid ng mga ninakaw na laruan sa bitbit niyang bag.

Napurnada ang pagnanakaw nang mahuli siya ng mga bantay ng tindahan.

Pinagbayad ang babae para sa dalawang stuffed toys na kinuha niya pero hindi na siya inireklamo sa mga pulis.

Gayunman, tila naisahan pa rin sila ng magnanakaw dahil nang pasadahan muli ang kuha ng CCTV, napag-alamang tatlong stuffed toys pala ang isinilid ng suspek sa kaniyang bag.

Madalas raw pumapasyal sa naturang tindahan ang babae kaya hinala ng mga bantay, hindi ito ang unang beses na nagtangka siyang magpuslit ng kanilang mga paninda. —Dona Magsino/NB, GMA News