Sa kulungan ulit ang bagsak ng isang alyas "Bad Boy" sa Makati matapos na namang masangkot umano sa iligal na droga.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, tatlong taong nakulong noon ang suspek na si Edgardo Dela Cruz alyas "Bad Boy."

Matapos makalaya, may nagsumbong sa text hotline ng pulisya na balik na naman umano siya sa pagtutulak ng droga

Sa ikinasang operasyon, nahuli si Dela Cruz at tatlong iba pa na kinilalang sina Mariano Rivera, Andrew Andres, at Michael De Leon.

Nakumpiska sa kanila ang 128 pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P26,500.

Giit ni "Bad Boy" hindi na siya tulak ng droga kundi kubrador na lang ngayon ng karera ng kabayo.

Ayon naman kina Rivera at Andres, tumataya lang sila sa karera at nadamay lang sa operasyon. —Dona Magsino/LBG, GMA News