Isang toy collector ang hinahangaan dahil nagagawa niyang isalba ang mga laruan na sira at itatapon na. Para manatiling "buhay" ang mga isinasalba niyang laruan, mini-make-over niya ang mga ito, at ang iba ay ginawa pa niyang Pinoy super hero.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing umabot na sa mahigit 200 ang koleksyon na laruan ni Mayk Pagulayan.

Karamihan sa kaniyang mga koleksyon at mga action figure, na ang ilan ay ni-recycle niya.

Gaya ng isang sirang manika na itinapon ng kaniyang kapitbahay na kaniyang inayusan at binihisan para maging si Darna.

Nagawa rin niyang ayusin ang isa pang laruan para naman gawing matikas na si Captain Barbell, na mayroon ding bersyon ng payat, mahina at hikaing si Tenteng.

Isa pang Pinoy comic book character ang binigyang buhay ni Mayk sa kanyang mga obra ay si Pedro Penduko, pati na rin ang original Panday.

Nang tanungin kung bakit niya ito ginagawa, paliwanag niya, "Ang laruan kasi simbulo ng kasiyahan 'yan. Kapag nakakakita ako ng mga sira, itinatapon na, parang nacha-challenge ako kung ano pang puwedeng gawin para hindi hanggang dun na lang ang buhay niya." --FRJ, GMA News