Isang lalaki ang natagpuang patay at putol ang ari sa loob ng isang ginagawang septic tank sa Palawan.

Ang biktima ay nakilalang si Erwin Guzman, 53, residente ng Barangay Bato-Bato sa munisipalidad ng Narra, at nagtatrabaho sa Bantay Dagat, ayon sa ulat sa Dobol B sa News TV ni Rod Evangelista ng RGMA Palawan.

 

 

Tadtad din ng saksak ang biktima nang matagpuan ng mga awtoridad.

Ayon sa punong barangay na si Ernesto Ferrer, humingi ng tulong sa mga awtoridad ang anak ng biktima matapos makatanggap ng tawag mula sa isang kaibigan ng ama na nagsabing patay na ang biktima at itinapon sa ginagawang septic tank.

Ang nasabing septic tank ay nasa likod ng bahay ng tinuturing na mga suspek na mag-live in partner.

Ayon sa mga awtoridad, maaaring sa loob ng bahay ginawa ang krimen batay sa mga bakas ng dugo na nakita sa loob ng isang kuwarto.

Selos ang hinihinalang motibo ng krimen.

Tinangay din daw ng mga suspek ang motorsiklo, cellphone, at wallet ng biktima, ayon sa mga awtoridad. —KG, GMA News