Nakunan ng CCTV ang paghablot ng cellphone ng isang lalaking naglalakad sa Sampaloc, Manila nitong Linggo ng gabi.
Ayon sa biktimang si Marvin Cosico, pauwi siya noon galing sa trabaho sa Makati City at tatawagan sana ang asawa nang hinablot ang kanyang cellphone ng mga suspek na nakamotorsiklo.
Nangyari ang paghablot sa kanto ng Simoun at Cristobal Streets pasado alas nuebe ng gabi.
Habang sumisigaw ng saklolo, hinabol ng biktima ang mga suspek.
WATCH: Paghablot ng riding in tandem sa cellphone ng isang lalaki sa Sampaloc Manila, nakunan ng CCTV
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) July 15, 2019
Arestado ang driver habang nakatakas ang angkas. Nabawi naman ng biktima ang cellphone @gmanews pic.twitter.com/uZgRCQMvLU
Sa CCTV, nakitang muntik pang mabangga ng mga suspek ang dalawang lalaking naglalakad.
Nagkataon na isa sa kanila ay pamangkin ng biktima.
Tulong-tulong nilang hinabol ang mga suspek.
Pag-akyat sa tulay ng Dimasalang, tumirik ang motorsiklo ng mga suspek kung kaya't tulak tulak ng driver nito ang motor.
Kumaripas naman ng takbo ang angkas niyang suspek matapos ihagis ang hinablot na cellphone.
Naabutan ng biktima at mga kasamang sumaklolo ang driver ng motorsiklo.
Sa presinto, itinanggi ng driver na si Aldrin Jhey Nasayao na sangkot siya sa snatching at sinabing nagda-drive lang siya ng motor.
Hindi raw niya alam na snatcher ang angkas niya.
Depensa ng naarestong suspek na si Aldrin Jhey Nasayao, hindi niya alam na may planong mang-snatch ng cellphone ang kanyang angkas @gmanews pic.twitter.com/xcJpdJ911s
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) July 15, 2019
Ayon sa mga pulis, posibleng nakaw daw ang ginamit na motorsiklo ng suspek.
Nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis pero hindi na nila nakita ang nakatakas na suspek.
Wala namang planong magpa-areglo ang biktima para magsilbing aral daw ito sa mga suspek.
Muli namang pinaalalahanan ng pulisya ang publiko na hangga't maaari ay huwag gumamit ng cellphone habang naglalakad sa kalsada. —KG, GMA News
